Noy: Isang habi ng Pantasya at Reyalidad

Download PDF

Ni Jabez Tarlit, BMLS 2011

Ang pelikulang “Noy” ay kuwento ni Manolo ‘Noy’ Agapito (Coco Martin), isang lalaking nais iahon ang pamilya sa lugmok ng kahirapan. Ito ang nagtulak sa kanya upang magpanggap bilang isang journalist at makapasok sa isang programang pangbalita sa telebisyon. Nagkaroon siya ng assignment na sundan at gumawa ng dokumentaryo tungkol sa kampanya ng kanyang katukayong si Sen. Noynoy Aquino na tumatakbo sa pagkapangulo ng bansa.

Sa unang bahagi ng kuwento, makasarili ang layunin at pakay ni Noy sa kanyang pagpapanggap bilang isang journalist/dokumentarista, bukod sa perang nakukuha niya sa pagpapanggap, nakita niyang isang oportunidad ito upang makalapit kay Sen. Noynoy Aquino upang makahingi ng mga pabor para sa kapakanan ng kanyang pamilya. Naglakas loob siyang humingi kay Sen. Noynoy Aquino ng wheelchair para sa lumpo niyang kuya na si Bong (Joem Bascon) na madaling napagbigyan dahil namimigay ng wheelchair ang foundation na nakapangalan sa bayaning amang si Ninoy Aquino.

Habang sinusundan ni Noy ang kampanya ni Sen. Noynoy, nasaksihan niya ang paparaming bilang ng taong sumusuporta sa tumatakbong pangulo. Hindi niya mapigilang matuwa sa init ng pagtanggap ng tao sa katukayong kandidato. Samantala, sa kanyang sariling tahanan ay unti-unting gumuguho ang kanyang mundo. Nabugbog ng negrong kano na manliligaw ng kanyang inang walang pinag-aralan (Cherry Pie Picache), nalulong sa pagbebenta ng droga ang lumpong kuyang si Bong, ang matalino at bibong kapatid na si Tata (Cheska Billiones) ay nadapuan ng ‘di-malamang sakit na humantong sa pagkabulag nito at ang nobyang call-center agent na si Divine (Erich Gonzales) ay tinutulak ng pamilya na ipakasal sa OFW upang umasenso ang kanilang buhay.

Mababago ng pakikisaluma ni Noy kay Sen. Noynoy Aquino at ng kampanya nito ang pananaw ni Noy. Hahantong ang kuwento sa reyalisayon ni Noy ng kanyang mga kamalian. Tinutulan niya ang pagpunta sa abroad ng kasintahang si Divine at itinigil niya ang pagpapanggap bilang journalist.

Pinaghalong documentary at fiction film ang Noy na mahusay na pinagsanib sa direksyon ni Dondon Santos. Ang mga kuha ng kampanya ay kuha mula sa aktwal na kampanya ni Noynoy Aquino. Napagpapatuloy pa rin ni Coco Martin ang kanyang karakter bilang Noy kahit kasama ang kandidato, mga kapamilya at iba pang kasama nito sa kampanya.

Ang pangunahing tauhan ng pelikula na si Noy ay ginamit sa pelikula bilang behikulo upang ipakita sa mga manonood ang nais nitong ipakitang mukha ng Pilipinas – ang kahirapan, ang dagat ng baha at basura kung saan nakatirik ang tahanan ng pamilya ni Noy, ang kamangmangan ng mga katulad ng kanyang ina, ang pagkalumpo dahil sa kahirapan ng kanyang kuya at unti-unting pagkawala ng pag-asa sa mga mata ng kanyang bunsong kapatid.

Isang behikulo din si Noy upang isalarawan at bigyang tinig ang mga karaniwang persepsyon ng karaniwang tao sa kahirapan at sa mga pulitiko at partikular kay Sen. Noynoy. Sa isang eksena sa pelikula habang kumakain ang mag-anak ni Noy sinabi nito na ang kanyang balak na humingi ng bahay at pera sa Senador. Sa isang eksena kasama ang karakter na ginagampanan ni Baron Geisler sa editing room ng programang pang-telebisyon sinabi ng karakter ni Noy na “Hindi naman ako nananiwala diyan eh, sumasakay lang yan sa anino ng ama at ina niya!”

Sinasalamin ng karakter ni Noy ang pananaw at pangarap ng marami sa mga mahihirap na Pilipino – ang iahon ang pamilya sa kahirapan. Ngunit pinapakita din ng pelikula kung ano ang magagawa ng mga karaniwang mahihirap para maiahon ang pamilya sa kahirapan. Sa kaso ni Noy ay ang pagpapanggap bilang isang journalist at sa kaso ng kanyang kuya ay ang pagtutulak ng droga.

Ipinakita din mula sa mga mata ni Noy ang pagtingin kay Sen. Noynoy bilang simbolo ng pag-asa ng bayan sa pamamagitan ng mga eksena ng pagdagsa ng tao sa mga kampanya nito. Pilit ding pinatampok sa pelikula sa pamamagitan ng dokumetrayong ginagawa ng pangunahing tauhan ang ibang bahagi ng katauhan ni Sen. Noynoy Aquino. Ipinakita sa pelikula ang pagkanta ng rap ni Noynoy Aquino at pakikipaglaro nito sa pamangkin na si Baby James at iba pa.

Halatang mula sa simula pa lang na ang layunin ng pelikula ay patampukin si Sen. Noynoy Aquino at nahubog ang pelikula ng mensaheng nais nitong ipaabot sa mga manonood: Si Noynoy ay pag-asa ng bayan mula sa lugmok ng kahirapang kinakadsalakan nito ngayon. Mali ang gumawa ng kasalanan upang iahon lamang ang pamilya mula sa kahirapan.

Ngunit nalimitahan ang pelikula ng layunin nitong patampukin si Noynoy bilang simbolo ng pag-asa ng bayan. Hindi malalim ang naging pakikisalamuha ng karakter na si Noy kay Sen. Noynoy kaya naging malabnaw paano siya napagbago nito. Hindi rin napakita kung paano nga ba naging pag-asa ng bayan si Noynoy Aquino. Maliban sa mga eksena ng kampanya at pakwelang eksena ni Noynoy Aquino, walang malalim na pagpapakita ng karakter ni Noynoy Aquino sa pelikula.

Napakita man ng pelikula ang kahirapan, hindi naman nito wastong natumbok ang dahilan ng kahirapan. Sa halip, inaakusahan pa nito ang mahihirap mismo na siyang dahilan ng kanilang kahirapan at pasakit sa buhay. Nabugbog ang nanay ni Noy dahil sa kamangmangan at dahil sa panloloko ni Noy, nabulag ang kanyang kapatid na si Tata dahil sa kanilang kapabayaan, at namatay si Noy sa dulo ng pelikula dahil sa kanyang mga kasalanan.

Ang “Noy” ay isang pelikulang mahusay ang pagkakagawa na ginampanan ng mga mahuhusay na artista. Ang pelikula ay punong-puno ng simbolismo at mga madramang tagpo na siguradong magmamarka sa isipan ng mga manonood. Ngunit maaaring sabihin na ito ay nagkulang sa lalim ng pagtumbok ng dahilan ng kahirapan ng bansa at naguudyok lamang na maniwala at ilagay ang lahat ng pag-asa ng pag-unlad at pagbabago ng lipunan sa iisang tao – kay Noynoy Aquino.

Share on FacebookTweet about this on TwitterShare on Google+