MAKA-TSINO vs. MAKA-PINOY: Produktong Maka-Tsino sa Lupaing Pilipino

Download PDF

Hindi na lingid sa atin ang namumuong tension sa pagitan ng bansang Pilipinas at Tsina, dahil sa pinag-aagawang Panatag o Scarborough Shoal. Karamihan ay nangangambang ang hidwaan ng dalawang bansa ay maaaring  magsilbing mitsa ng pangatlong pandaigdigang digmaan. Ilang palitan ng mga cyber-warfare at online harassment ng mga intsik at nagngingitngit na Pinoy netizens ang tila nagpapalala sa usaping ito. Bagamat nabigyang tuldok ang pagpapabgsak ng mga websites ng magkabilang kampo, tila nalipad na rin sa kawalan ang pakikipagugnayan ng bansang Tsina tungkol sa pinagtatalunang mga isla.

Mas masaklap pa siguro na malaman nating natabunan na naman ang usaping ito ng mga kasalukuyang balita ng krimen at mga epal sa senado. Mukhang sa lahat ng mga labang pinangangatawanan ng Pilipinas para sa suliraning ito, mas maraming ordinaryong Pinoy ang nagkikibit-balikat na lamang at patay malisyang nananahimik sa isang tabi. Nakiki-ride on na lang sila kapag may rally o people power na nangyayari.

Kung ikaw ba’y sabihang sinungaling at ipatapon ang tone- toneladang saging na galling sa bansang sinilangan dahil sa rasong may “virus” daw ang mga produktong ito, hindi ka pa rin maninindigan? Kung makita mo na unti-unting sinasakop ang kabuhayan ng buong bansa dahil sa impluwensya ng Intsik maging sa edukasyon, negosyo at kalakarang panlipunan, wala ka pa ring gagawin? Malamang wala nga, dahil sa unang tingin pa lang, baka ang damit at sapatos na suot mo ay siguradong made in China.

Sabi ng isang post sa Facebook, God made man, everything else was made in China. Kung sabagay, kahit nga ang cellphone na gamit mo ay made in China. Ang lapis, ballpen at eraser na binibili mong P5-P10 ay made in China. Ang suklay na ginagamit mo, ang bag na Prada na binili mo, ang Nike na sapatos mo, ang I-pad na ginagamit mo at ang Nokia cellphone na pinagtetexan mo – lahat sila made in China. Kulang na lang pati uto’t hininga mo pagkatapos na kumain sa Chowking ay baka made in China pa rin.

Matanong nga kita, ikaw ba ay sumusuporta sa Pilipinas at bumibili ng made in the Philippines o mas mainam para sa iyo ang sumoporta ng mga produktong banyaga katulad ng mga galling sa Tsina? Nasaan ang iyong katapatan? Maka-Pilipino ka ba o isa kang Maka-Tsino?

 

“Everything else is made in CHINA…”

Batid man ng marami ang pang-iipit ng bansang Tsina sa mga produktong Pilipino, wala pa ring pakundangan ang pagtangkilik ng marami sa atin sa mga produkto ng bansang umaalipusta sa atin.

Tumingin ka lang sa paligid mo at siguradong 8/10 ng mga bagay na makikita mo ay gawang Intsik. Pati ang sikat na pamilihan ng buong bayan – Divisoria at Quiapo, ay punong-puno ng mga kagamitang bagsak presyo at made in China. Kung sabagay, masisisi ba natin ang mga sarili natin kung ang mga gamit na iyan ay mabibili ng halos 50% – 70% diskwento na presyo kumpara sa mga parehong bagay na mas mahal ang benta dito sa Pilipinas?

Patok na patok sa ating mga Pinoy ang mga produktong galing Tsina katulad ng damit, school supplies at mga kagamitang elektroniko tulad ng cellphone, Ipad, laptop at iba pang nauusong gadget. Ang mga orihinal na brand tulad ng Puma, Bench, at Havaianas, ay napapalitan ng Poma, Bemch, at Havanas. Sa unang tingin, hindi kaagad mapapansin ang pagkakaiba ng tunay sa peke. Nagkakaalaman na lang kapag sinuri ang produkto at sa malaking deperensya ng presyo. Kumusta naman ang kabibili mo lang na gamit nuong isang araw, matibay at matino pa ba? O baka naloko ka na naman ng bagsak presyong pagbenta sa iyo?

Samantala, hinding-hindi mawawala sa mesa ng mga Pilipino ang mga pagkain tulad ng pansit, noodles, siopao, at siomai dahil nahuli nito ang panlasa ng bawat Pinoy. Kabilang ang mga ito sa mga paboritong meryenda at handa sa mga espesyal na okasyon tulad ng pista at kaarawan.

Tsina din ang nag pakilala ng mga inumin tulad ng tsaa, mga halamang gamut tulad ng Ginkgo biloba at ginseng, at mga produktong pampakinis o pampaputi ng balat. Nahuhumaling ang mga Pilipino sa mga ito dahil sa pangakong makapagbibigay ito ng naturang lakas na kakaylangangin nila sa pang araw-araw na gawain at diumano ito raw ay nakapagpapahaba ng buhay.

Nahuhumaling din tayong mga Pilipino sa mga produktong Tsina lalo na ang pampaputi sa kadahilanang mas napapansin nga raw ang mga taong mapuputi. Dahil dito naglipana ang mga produkto na pampaputi gaya ng Kojie san, Mena at iba pa.

Karamihan sa mga negosyante sa bansa ay mga Tsino. Hindi na nakapagtataka na kahit saan ka man lumingon ay may makikita kang produktong Made in China. Nagkalat ang mga ito sa mga bangketa, mall, o grocery store kung kaya naman madali lamang itong hanapin.

PAGSULPOT NG MGA PRODUKTONG INTSIK

Ang Pilipinas ay nakikipagkalakalan sa mga Intsik bago pa lang sumakop ang mga Espanyol hanggang sa nanatili sila dito sa ating bansa at tumayo ng sariling komunidad na ang tawag ngayon ay Binondo. Idagdag mo pa ang paglipana ng mga tiangge at maliliit na bilihin ng mga damit, sapatos, gamit pambahay, at kung anik anik na kayang bilhin ng pangkaraniwang tao.

Ilan lang ito sa mga dahilan ng paglaganap ng mga produktong Made in China:

Una, hindi pinapalampas nga mga Pilipino ang bawat pagdiriwang na nangyayari sa bawat tao katulad ng pasko, kaarawan, pagtatapos ng pagaaral ng mga estudyante, kasal, bagong taon ng hindi dumadaan sa Divisoria para bumili ng pagkain, gamit, regalo, paputok, atbp. Iniisip nila na kahit barya barya lang ang laman ng bulsa nila, mahalaga pa rin na ipagdiwang ang mga masasayang pangyayari sa buhay nila. Hindi mo mahahanap iyan sa SM mall of Asia o Robinson’s Galleria. Para sa ordinaryong Pinoy, malayong malayo na ang mararating ng P50 pesos kung madiskarte ka lang. Maparaan nga ba talaga o Maka-Tsino ka?

Higit pa diyan ay ang pagtakas nila sa realidad na mahirap ang buhay sa atin. Kung may kakayahang makabili sila ng mga gamit katulad ng mga damit na gusto lang bilhin, noodles na pinangkakain sa buong pamilya, at mga mumurahing dvd na pwedeng bilhin para sa kanilang pampalipas oras, aba’t bakit hindi. Kung puwede naman pala sa mga made in China, bakit ka pa hahanap sa iba pa?

Pangalawa, maramihang produksyon ang nagagawa ng mga pabrika sa Tsina gamit ang mga modernong makinarya kaya di hamak na mas mura ang presyo ng mga ito. Hindi pinaghihirapan ang bawat yarda, ang bawat tahi at bawat pukpok kaya walang paglalaanan ng pera para dito. Ang makinarya na mismo ang gumagawa ng mga bagay bagay. Kumbaga wala ng “labor fee” para sa mga taong gumagawa niyon. Kung meron man, tiyak na hindi sapat ang pagbibigay sa kanila ng mga suweldo kahit kayod kabayo na ang mga naninilbihan sa pabrika. Hindi ba’t ang iba sa kanila ay mga Pilipino ding nagtratrabaho para sa mga pamilyang naiwan dito sa Pilipinas?

Pangatlo, malaking dahilan din kung bakit patuloy ang paglaganap ng mga produktong Tsino ay ang kalakalan ng dalawang bansa. Maganda nga ang palitan ng mga produkto dahil pinapalakas nito ang ekonomiya ng bawat isa pero dahil din dito ay maraming mga “surplus” ng ibang bansa ang natatapon sa Pinas o mga sobrang mga produkto na hindi mabibili sa kanilang katutubong bansa. Kapag maraming surplus, maraming maibebenta at kayang-kayang ibagsak ang presyo. At kahit na ilang beses ng pinaalalahanan ang taong bayan sa maaring idulot na epekto ng mga produktong ito, tila mga bingi ang karamihan sa atin sa mga babalang tinakda ng pamahalaan.

 

MGA NATATAGONG BAHO NG made in china

Hindi malilimutan sa isip ng mga Pilipino ang “melamine scare” at ang “lead poisoning” na nagdulot ng sakit sa mga bata at mga sanggol na nakainom at nakahawak nito. Unang-una na ang “milk scare” noong 2008 kung saan ilang produkto ng gatas ang tinanggal sa mga tindahan dahil sa panganib na dulot nito.

Ilang libo sa China ang naapektuhan at nagkasakit dahil sa pag-inom ng mga gatas ng mga sanggol tatak “Sanlu” na may halong Melamine. Ang Melamine ay isang nakakalasong kemikal at kasangkapan din sa paggawa ng plastic. Inilalagay ito sa mga “dairy products” para mas lalong tumingkad ang kulay at maging kaakit-akit subalit naging isang bangungungot ito dahil natuklasan din na bukod sa mga gatas ng mga sanggol ay nakitaan din ng Melamine ang mga “instant coffee creamers”, “chicken-and-corn soup products” at mga “milk tea powders”.

Pinatanggal ang lahat ng mga produktong positibo sa Melamine at simula noon, hindi na muling nag-import ang Pilipinas ng mga gatas na para sa sanggol mula sa Tsina ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Spokesman and Deputy Director Ronald de Veyra.

Anim na produkto ang pinatanggal ng FDA kabilang na ang Lotte Strawberry Snack Koala Biscuit, JollyCow Slender High Calcium Low Fat Milk (more calcium & Vitamin D) 1 Liter, Greenfood Yili Fresh Milk, Mengniu Drink, Lotte B+W Koala biscuit, and Lotte Chocolate Snack Koala Biscuit.

Isa pa rito ay ang kontaminasyon ng “lead” sa binebentang laruan na gawang Tsina noong 2007.  Pina-“recall” o pinatanggal lahat ang mga iyon sa mga tindahan at nang masuri, nalaman na masyadong mataas ang lead content nito. Magdudulot ito ng panganib kapag nasubo ito ng bata o kaya malunok niya ang mga maliliit na parte nito. Maaring masira ang utak at bato ng sinumang malason ng Lead.

Isa pang hindi magandang epekto ng pagbili ng mga made in Tsina ay ang hindi magandang kalidad ng pagkagawa. “Ang mga laruan madaling masira.. ung mga laruan na galing America e polished ang packaging niya pero pag galing Tsina e ndi maganda ang packaging.. minsan may bukol bukol pa sa laruan” ,sabi ni Lerica Julian, BMLS 3.

Dahil din sa pagtangkilik ng mga pinoy sa produkto ng mga intsik, nagkakaroon na rin sila ng “colonial mentality” na nakakaapekto rin sa ekonomiya ng naturang bansa. Halos 40% ng mga ibinibenta sa mga malls ay gawang Tsina at pinapatay nito ang lokal na industriya. Ang paggawa ng mga muebles halimbawa, ay unti-unti ng nalulugi dahil sa nagsulputang mga Intsik na gumagawa ng iba pang gamit pangbahay at di hamak mas mura ng 30-50%.

 

PILIPINONG ALTERNATIBO

May mga positibong pananaw din ang ilan sa mga Pinoy tungkol sa pagbili ng mga Pinoy ng mga gawang Tsina.

“Hindi naman ng made in china products ay masama. Meron ding mga produkto na magaganda rin ang kalidad. Katulad ng screwdriver at mga usb. Sadyang nakakatulong naman sila sa trabaho ng bawat tao.” sabi ni Jabez Tarlit, MLS instructor.

“Matitibay rin naman kahit papano ang mga gawang Tsina, katulad nitong cellphone ko, ilang beses ko ng nabagsak at nahulog e eto pa rin at matibay pa rin.,” sabi ni Ana Gomez, BMLS 3.

Isa pa, katulad din ng nasabi kanina, nakakatulong din ang mga produktong Tsino sa pamumuhay ng mga mahihirap na Pinoy dahil kahit papaano, nakakamit din nila ang gusto nilang bilhin at iyon ang magsisilbing kaligayahan nila kapag dumaan ang mga okasyon na ipinagdiriwang ng bawat Pilipino. Kumbaga, hindi na mahalaga sa kanila kung branded o original o peke ang mabili nila basta makamit lang ang pangangailangan nila sa pang-araw araw ay masaya na sila dun.

Hindi masamang pumalaot sa kabilang dulo ng karagatan, hindi masamang bumili ng mga bago sa ating panlasa. Pero huwag masyadong ilagay ang sarili sa sitwasyong sa mga banyagang produkto na tayo nakadepende. Huwag isarado ang sarili sa mga potensyal ng ating mga lokal na produkto dahil dito sila ginawa sa ating bansa at makakaasa tayo na magaganda rin ang kalidad ng mga ito. Hindi dahil sa mura lang ang isang produkto ay bibilhin mo na ito agad. Matutong kumilatis ng mga bilihing andyan lang sa tabi-tabi.

Share and Enjoy

  • Facebook
  • Twitter
  • Delicious
  • LinkedIn
  • StumbleUpon
  • Add to favorites
  • Email
  • RSS