Lumayo Ka nga Sa Akin

Download PDF

Paano mo ilalarawan ang pelikulang Pinoy? Natatawa ka pa rin ba sa mga lokal na komedya? Nasisindak ka pa rin ba ng mga horror movies? Nakikiramay ka ba sa mga tauhan sa tuwing sila ay nag-iiyakan?

Ang nilalaman ng librong ito ay malupit, mabagsik, maligasgas. Ang obrang ito ay hindi isang nobela, hindi rin sanaysay, hindi nga maituturing na libro. Ito ay isang sagradong movie script. Para itong movie script pero parang hindi rin nagmumukhang movie script. Oo, lubhang nakakalito.

Ang Manunulat at ang Librong ala Pocketbook

Si Bob Ong (di nya tunay na pangalan) ay isang modernong manunulat. Gumagamit siya ng impormal na wikang Filipino sa kanyang mga akda tulad ng ABNKKBSNPLAko?! (2001), Bakit Baliktad Magbasa ang mga Pilipino? (2002), Ang Paboritong Libro ni Hudas (2003), Alamat ng Gubat (2004), Stainless Longganisa (2005), MacArthur (2007), Kapitan Sino (2009) at Ang mga Kaibigan ni Mama Susan (2010). Nakakatuwa man ang kanyang mga akda, ang mga ito naman ay puno ng aral at pananalamin sa buhay ng isang Pilipino.

Ang Lumayo Ka nga sa Akin ay binubuo ng tatlong kwento. Ang bawat kwento ay tumutuligsa sa mga paulit-ulit at nakakasawang tema sa mga pelikula, gaya ng pagmamahalan sa pagitan ng isang mayaman at isang mahirap, at ang walang hanggang Shake, Rattle and Roll Series.

BOOK 1: Bala sa Bala. Kamao sa Kamao. Satsat sa Satsat.

Ang unang libro ay katulad ng iba pang aksyon film ng mga Pilipino at ang pagkakaiba lang ng libro ay ang pagsingit ni Bob Ong sa script ng kanyang mga opinyon. Bukod sa pagiging predictable, minsan nilalagyan ng pisikal na katatawanan dahill ayon sa libro,  “hindi kasi kayang i-process ng utak ng mga Pilipino ang wit sa dialogue at humor sa mga eksena”. Hindi nga ba natin kaya?

BOOK 2: Shake, Shaker, Shakest

Ito ay isang paggaya sa walang sawa at hindi matapos-tapos na Shake, Rattle and Roll na pelikula. Sinabi ng isang tauhan sa kwento: “Ang comedy natin, puro slapstick. Ang horror natin puro visual”. Kayang lumikha ng mga Pilipino ng dekalidad na pelikula kung hindi tayo mangongopya ng iba at mag iisip ng bagong kwento.

Napagusapan din sa pangalawang libro ang Social Media (Facebook, Twitter, etc), mga istasyon ng radyo at mga palabas sa telebisyon. Sinasabing malaking impluwensya ang mga ito sa mga kabataan ngayon at sa kanilang pag-uugali. “Kung ano ang nakikita at naririnig natin sa araw-araw, nagiging ‘yon tayo. Kinokondisyon tayo ng mga patalastas na hindi tayo masaya, na laging may kulang sa buhay natin. Tatlo ang magulang ng henerasyon natin. Ang tatay, ang nanay, at ang mga patalastas o media. Kaya kung mahina yung dalawang nauna, naaagawan sila nung pangatlo sa pagpapalaki sa bata.” Ang araw ng mga kabataan ngayon ay hindi nabubuo hangga’t hindi sila nakakapag-Log In sa Facebook or Twiiter, hindi nakakapagbasa ng mga nasa News Feed nila, hindi nakakapaglagay ng status at hindi nakakapanood ng telebisyon. Gusto nila parati silang “in” o sunod sa uso.

BOOK 3: Asawa ni Marie

Ito ay umiikot sa istorya ng pag-ibig, panlilinlang, kapusukan, kahirapan, kasakiman, at pantasya. Matutunghayan dito ang masalimuot na buhay ni Marie na iibig nang tunay na tututulan ng pagkakataon. Masasaksihan ang pagtibok ng puso, pagbabagong anyo, paghihilamos ng putik, pakikipagniig sa ibabaw ng iba’t ibang puno, pagtataksil at paghahanap ni Marie ng kabiyak.

Sa librong ito, tinatalakay ang pagpatay ng komersyalismo sa sining. Mas madami nga naman kasing pera ang kayang ibigay ng mga patalastas sa mga producers kaysa sa ating mga manonood. Nanonood man tayo ng libre dahil sa mga patalastas na ito, binabayaran naman natin sila ng oras sa panonood natin dito.

Ang libro ay inilathala noong Disyembre, ang buwan na kung saan pinapalabas sa mga sinehan ang mga kasali sa Metro Manila Film Festival upang magsilbing eye-opener sa publiko. Ito ang isa sa pinakamasakit na isinulat ni Bob Ong.  Lumalabas sa tatlong libro ang pagiging trying-hard ng mga direktor at artista na ang mga akala nilang dapat hanayan na nakikihanay lang din naman sa mga dapat hanayan.

Bilang isang mambabasa, nakaapekto ang librong ito sa aking pananaw sa mga pelikulang Pilipino. Karamihan kasi sa atin ay hinuhusgahan na agad ang isang pelikulang Pilipino na korni kahit ito ay di pa natin napapanood. Binabase  natin ang mga bagong labas na pelikula sa mga pelikulang napanood na natin at inaakalang parehas lang din ang nilalaman ng mga ito sapagkat parehas din lang na Pilipino ang direktor at mga tauhan.

“Pero hindi lahat ng inaakala mong korni, e korni. Minsan ikaw lang din talaga ang walang sense of humor at may diperensya, siguro dahil sa pinipilit mong maging iba.” Madaming matatamaan sa sinabing yan ni Bob Ong at isa na ako dun. Sinabi din niya na, “Ang mahilig magsabi ng korni ay e ‘yung mga taong pa-deep”. May mga pelikulang Pilipino sadyang nakakatuwa pero may mga nakokornihan pa rin. “Kung gusto mong matawa, dapat paminsan-minsan magpakababaw ka. Huwag  nga lamang sumobra”

Sa kabuuan, ang librong ito ay tumalakay sa lahat ng mga panget at mali sa industriyang Pilipino. Pinaghalo-halo lahat ni Bob Ong at ginawang nobela. Pero nakalimutan niyang may benepisyo din naming nakukuha sa mga industriyang Pilipino, ‘yun nga lang mas nakakalamang lang talaga ng madami ang mga kasahulan nito. Ang mga telenobela, bukod sa madaming patalastas at paulit-ulit na kwento, ay isang paraan ng mga Pilipino sa sandaliang pagtakas  sa mga reyalidad ng buhay.

Share on FacebookTweet about this on TwitterShare on Google+