Dinastiya sa Pulitika: Mga Pamilyang Di Magiba

Download PDF

Ni Art John Sobrepena, BSCpE 2016

Matagal nang napatunayan ang close family ties sa ating bansa dahil sa pagiging malapit natin sa ating pamilya. Sa sobrang pagiging malapit, sama-sama na tayo kahit saan man tayo pumunta.

Makikita ang “closeness” na ito sa mga pamilya ng mga abogado, kriminal, sirkero, doktor at maging na rin sa mga politiko.

Nakikita naman natin ang mga patalastas nila sa TV kung saan tila pare-parehong apelyido na lamang ang ating nababasa. Nakatala na sa ating kasaysayan ang ganitong sistema sa ating pulitika. Patuloy pa ring nabubuhay ang ganitong kultura magpahanggang ngayon.  Kitang-kita naman sa kasalukuyang pangulo natin. Di ba halata?

Kung titignan natin bakit nga ba siya ang nasa upuan ngayon? Maliban sa pagiging anak ng ama at ina ng demokrasya, wala naman siyang naipasa at naipatupad na batas noong nasa kongreso at senado pa lamang siya. At kung meron man, sigurado akong nabibilang lang ito sa kamay.

Pumunta naman tayo sa senado–sa team UNA o United Nationalist Alliance. Apat dito ang hindi na ‘una’ o bago sa ganitong larangan.

Si Jack Enrile, anak ng Senate President na si Juan Ponce Enrile, ay humaharap ngayon sa paratang ng pagwawaldas ng badyet ng senado.

Pumapangalawa rin sa listahan si JV Ejercito na anak din ng dating Pangulong ‘Erap’ na napatalsik sa pwesto dahil sa kasong plunder.

Samantala, ang anak ni Bise Presidente Jejomar Binay na si Nancy ay tatakbo na rin bilang senador. Teka, senador agad?

Maliban lang naman kasi sa pagiging anak siya ng Bise Presidente eh hindi pa naman siya kilala bilang kongreswoman, konsehal, kapitana o kahit man lang sana tanod sa barangay.

At siyempre pa, hindi rin papahuli ang angkan ng mga panginoong-may-lupa, si Tingting Cojuanco na susubok ring pasukin ang senado. Maging sa iba pang partido ay di rin mawawala ang ganitong sistema.  Saan nga ba nag-ugat itong tradisyong ito?

Kung mayroon mang dapat sisihin, ito na ang mga Amerikano. Noon pa mang rehimen nila sa Filipino assembly, tanging mga nasa ruling class lang ang maaring tumakbo at bumoto. Tanging mga edukado lamang at mga may kakayahang magbayad ng buwis ang maaring lumahok sa eleksyon.

Sa katunayan, noong 1907, sa 1.6 milyong populasyon ng  bansa ay 1.6% lamang ang nakapaghalal ng nais nilang mamuno. Sobrang talamak ang ganitong sistema sa ating bansa pero bakit patuloy pa rin itong nangyayari sa kabila ng pagbabawal dito?

Sabi nga sa batas, “The state shall guarantee equal access to opportunities for public service and prohibit political dynasties as may be defined by law.” As may defined by law nga naman pala, eh bakit patuloy pa rin? Ang saya lang ‘di ba?

Maski sarili nating batas ay hindi kayang lunasan ang ganitong suliranin at hindi pa nga lang nasusubukang solusyunan ay may mga bago na namang paparating na usong dinastiya na pumapasok.

Maging ang pamilya nga ng mga nasa showbiz at sports, nakikisawsaw na rin sa maruming mundo ng pulitika at hindi na kailangang isa-isahin kung sino sila.

History repeats itself nga naman, at kahit bawal, garapalan pa rin itong lumalaganap sa ating kultura sa pulitika. Naalala ko tuloy yung nabasa kong poster, “Isa lang kada angkan. Hindi family business ang pwesto sa gobyerno.”

Share on FacebookTweet about this on TwitterShare on Google+