Ang Pagbasag sa Hinulmang Palayok

Download PDF

Malayang tinatamasa ng maraming kabataan ang karapatang pang-edukasyon. Habang umuusad ang gulong ng panahon, mas sumusidhi rin ang pangangailangang pang-akademiko ng isang indibidwal.

Marahil dahil sa bilis ng pagbabagong nagaganap ay hindi natin namamalayang iniipit na pala tayo sa karapatang dapat nating matamo.

“No Permit, No Exam.” Isa itong polisiyang mahigpit na ipinapatupad ng mga kolehiyo sa bansa. Kaakibat nito ang pagkuha ng ating mga exam. Parang tiket nga ang kapirasong papel na ito upang makuha ng estudyante ang pagsusulit na ilang gabi rin niyang pinaghandaan.

Paano na lamang kung sa nalalapit mong pagsusulit ay kulang pa ang nahuhulog mong bayarin para sa iyong matrikula? Ngayo’y mangangamba ka kung makakaexam ka pa ba.

Ang pagsulat ng promissory letter ang tanging kinakapitan ng mga mag-aaral sa ganitong sitwasyon. Ayon sa kanila,may mga pagkakataon talagang nagkakaproblema sila sa pinansyal. Ang ilan naman ay nagsasabing nadedelay lamang ang perang padala ng kanilang magulang sa ibang bansa.

Lingid sa ating kaalaman, noon pa mang 2011, ay may naaprubahan nang kautusan na nagbabawal sa “No Permit, No Exam” policy. Ito ay ang House Bill 4791 o ang Anti-No Permit, No Exam Act of 2011.

Layon ng batas na ito na bigyang tuldok ang pagbabawal sa isang mag-aaral na kumuha ng pagsusulit dahil lang sa hindi kumpletong pagbabayad sa matrikula.

Maganda sana itong panghawakan ng mga magulang at estudyanteng tulad ko. Sa hirap na nga ng buhay ngayon, hindi na natin alam kung kailan wala at meron ang pera. Mahirap para sa mga magulang ang itaon ang bayarin sa ating tuition fee lalo’t marami pang ibang mga bagay ang pinaggagastuhan natin.

Ito sana ang nais kong maunawaan ng ilang pamantasan. Ang patuloy na pagpapatupad ng polisiyang “No Permit No Exam” kahit na lubhang pinagbabawal, ay nakakaapekto ng malaki sa isang mag-aaral. Dahil sa pag-ipit sa kanyang karapatan sa edukasyon, maaring magkaproblema siya sa kanyang pang-akademikong layunin.

Ilang taon na mula nang maipasa ang HB4791. Ang tanong, nasusunod ba ito ng mga kolehiyo at unibersidad?

Noon pa mang nirerepaso ang HB4791, tutol na ang maraming pamantasan dito. Tinuturing nila itong lumalabag sa konstitution. Ayon sa Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) at Philippine Association of Colleges and Universities (PACU), magkakaroon ito ng negatibong epekto sa pagbibigay nila ng dekalidad na edukasyon.

Ang tuition fee na binabayaran ng bawat mag-aaral ay ang pangunahing pinagkukunan nila sa pagpapatakbo ng buong pamantasan. Ang serbisyo at pasilidad na nakatutulong sa pag-aaral ng estudyante ay napapanatili rin dahil dito. Paano na nga lang ba kung hindi mabayaran sa tamang oras ang gagamiting pera para sa mga bagay na ito?

Para sa atin naman, hindi ginawa ang panukalang ito para itakas ang mag-aaral sa obligasyong bayaran ang kanyang matrikula. Nasasaad sa batas na obligado pa rin ang magulang at estudyante na magbayad ng interest rate na hindi tataas sa 6% per annum (taon). Kung hindi man magawang bayaran ang nalalabi pang tuition fee sa tinakdang panahon ng paaralan, maaring hindi ibigay ang kanyang grado at school clearance. Posible ring hindi na siya tanggapin pa sa kanyang pinapasukang paaralan.

Makatarungan sa magkabilang panig ang ganitong kautusan. Kung tutuusin, binabalanse ng panukala ang interes ng paaralan at estudyante, at bigyan ng opurtunidad ang bawat isa na makamtam ang kanilang layunin sa pag-aaral.

Ngayon, maituturing ba nating bingi ang mga paaralang patuloy  na sumusuway dito? O mas akma kung sasabihin nating nagtataingang kawali lamang sila?

Para saan pa nga ba’t ginawa at inaprubahan ang Anti-No Permit, No Exam na yan kung sa simula’t sapul ay ipinagkikibit-balikat lang ito? Makaramdam naman sana sila at ibigay ang nararapat para sa ating mga estudyante. Paano na lamang nila maipagkakaloob ang mataas na edukasyon kung ang simpleng pagsunod sa itinakdang polisiya ay hindi nila magawa.

Bawat karapatang nais nating makamit ay may karampatang responsibilidad na kailangan nating panindigan. Nararapat din lamang na pag-ukulan ng pansin ang anumang makakasagasa sa ating layuning pang-edukasyon. Huwag lang ipagkibit balikat ang naaayon na katumbas nito, tulad ng pagbabayad ng ating tuition fee.

 

Share on FacebookTweet about this on TwitterShare on Google+