Waya-waya Iti Panunot: Mga Alaalang Tinangay ng Pag-unlad

Download PDF

Hindi bihirang mangyari sa isang tao na magbalik-tanaw sa kung anu ang kahapon. Sa katotohana’y ginawa na nating online tradition ang araw ng Huwebes at tinawag na Trowbak Tersday.

Madalas sa aking paliligo, napapatigil ako at natutulala sa mga kaisipang patungo sa nakalipas. Kung magkataong makasama ko naman ang mga kaibigang parehong nakaranas ng pagkabata, ay nauubos ang oras sa aming mga kwentuhang iilan na lamang ang nakakadanas.

Iisa lang ang permanente sa mundo, wika nga nila, at ito ay pagbabago.

Minsan sa aking chemistry class ay napapatunganga ako’t napapangisi. Hindi nga ba’t magdadalawang-dekada na pala akong naglalakbay sa mundo. Napag-tanto kong isulat na lang sa opinyong ito ang mga muni-muni tungkol sa mga pangyayari at karanasan na humubog sa mga late-90’s kid.

Ang mga linyang “time space warp, ngayon din,” “let’s volt in,” Raaay-gun,” at “ka-me-ha-me…wave!” ay ilan lamang sa mga umaliw sa akin noon. Ito ang mga nagbigay kunsepto sa pakikipaglaro sa eskwela at pakikipag-pasikatan sa mga kapwa bata.

Kasabay ng paglalakbay ni Tom Sawyer at Huckle Berryfinn, aking inakyat ang mga bundok at burol sa aming munting bayan, at nilusong ko ang ilog sa likod ng paaralan kasama ang mga ka-eskwela. Natuklasan ko ang ilang bagay tungkol sa kalikasan na hindi naisulat sa mga aklat.

Kung ngayo’y hindi maaring ihiwalay ang salitang libangan sa computer, tablet, laptop at smartphone, dati’y pagsapit ng bakasyon at tag-init ay naghahanda na ang mga kabatan upang sakupin ang mga puno ng duhat, sinegwelas, mangga, bayabas, aratilis, chico, atis, caymito, at kung anu-anu pang bungang kahoy.

Ang bawat tanghalian ko noon ay napapabilis sa pagka-sabik ng mga paang magbisikleta sa ialalim ng araw. Pagod man at pawisan, kasama ang mga kalaro’y nagtutungo kami sa mga magagandang tanawin at magpapahinga sa ilalim ng puno ng akasya.

Payak at Malaya – ganyan ang aking kabataan. Ang mata’t kaisipan ko’y namulat sa kalikasan at realidad, taliwas sa mga ibang nakita lamang ang mundo sa virtual universe.
Ayon sa mga kwento ng aking ama, sa kanyang panahon ay pahirapan ang buhay litratista. Kung ngayon ay napakadali nalang pumitik at bumura, dati’y ipro-proseso mo muna ang film bago mo malaman ang resulta ng iyong sining.

Sa kasamaang palad, kasabay ng pagdali ng pagkuha sa isang litrato ay bumaba ang kaledad at spirito ng sining at pagiging malikhain sa mga imaheng ating nakukunan. Pitik-bura, tulad ng paraan ng pagiging bata ngayon. Sa pagiging madali ng pagiging bata ngayon, ay tila nawalan na ng saysay ang mga gawaing kanilang pinagbubuhusan ng panahon.

Kasabay ng pag-unlad at teknolohiyang makabago, naibaon na sa limot ang mga kultura’t kagawiang naipasa sa bawat henerasyon at siyang humubog sa kung sinu tayo ngayon. Nakapanlulumo, hindi ba?

Ilan sa mga kadahilanan ng mga tao ay, kung tayo’y mananatili sa mga kultura at gawaing nakagisnan, hindi tayo uusad patungo sa pag-unlad. Ito ay taliwas sa lumang kasabihan na nagsasabing walang patutunguhan ang taong hindi marunong lumingon sa pinanggalingan.

Wika ng mga ulupong na mayayaman ay, “Globalisasyon ang solusyon,” Ngunit ang aking pagtingin dito’y isang mapanlinlang na adhikaing magdidikta sa “pop-culture” at magsisilbing panghatak sa mga kagustuhan ng mamamayan. Sa pamamagitan nito, makokontrol ng mga ma-pera ang “mainstream” market, at dito sila kikita.

Payak at Malaya – tila ba ito’y nilimut na.

Ayon sa awitin ng Asin, hindi nga naman masama ang pag-unlad, ngunit bakit kailangang isakripisyo ang kalikasan? Ang pag-unlad ay nararapat. Ngunit bakit kailangang iwanan ang mga aral na kalakip ng kulturang lumipas?

Ikatutuwa mo ba kung ang kakalakihan ng susunod na henerasyon ay “sex culture”, “robot living,” at “life-through-social media lifestyle?”

Dahil sa pag-usbong ng mga naglalakihang gusali, nawalan na ng lugar ang mga puno. Ano ang kapalit? Pera at tahanan, ngunit ang hangin ay dudumi. Katulad narin sa pamumuhay. Dahil sa pagputol ng mga puno ng moralidad, dumudumi ang isipan at lumalabo ang kinabukasan ng kabataan.

Saksi ang kalikasan sa mabilis nag pagkabulok ng ating kultura. Ang masaklap, ito rin ang pinakamalaking biktima sa epidemyang nagaganap.

Sa kasamaang palad, iilan lamang ang nangangamba’t nagbibigay atensyon. Maliit na porsyento lamang ng mga lider natin ang gumagawa ng hakbang upang agapan ang tila kanser na sumisira sa ating lipunan.

Ikaw kaibigan?

Hindi ba’t dinala ka ng iyong pakiki-alam at simpatya hanggang sa dulo ng opinyong ito? Isa ka ba sa iilang may malasakit? Kung ika’y naniniwala sa aking mga pahiwatig, bakit hindi mo subukang umpisahan sa iyong sarili ang pamumuhay ng responsable? Umpisahan mong tumungo sa pag-unlad na bitbit ang mga aral ng kahapon. Hayaan mong ito ang gumabay sa iyong paglalakbay. Hindi ba’t ganito ang tunay na malaya? Naisin mong lumaya.

Share on FacebookTweet about this on TwitterShare on Google+